Ang Larong Nagwakas Sa Atin by Fe Esperanza Trampe | Book Review | #LaroTour

I got the chance to read and review Fe Esperanza Trampe’s Ang Larong Nagwakas sa Atin. This book is written in Tagalog that’s why I decided to make a review in Tagalog too.

Paano ko ba ito sisimulan? Mahirap yata simulan kung hanggang ngayon iniisip mo pa rin kung ano ang mga pwedeng mangyari sa huling kwento na nabasa mo. Pero siguro nga, hanggang doon na lang muna iyon…

Dito sa aming bansa, hindi masyado nabibigyang-pansin ang mga akdang Pilipino sa kadahilanang sobrang dami at haba at yung iba mahirap ipaliwanag. Kaya hangga’t may pagkakataon pinipilit ko na bumili at magbasa ng mga akdang Pilipino dahil sino nga naman ba ang magbibigay suporta sa isa’t-isa kung hindi tayo rin? ‘Di ba?

Ang-Larong-Nagwakas-Sa-AtinSYNOPSIS

Mula pagkabata, buhay na ni Dennis Manansala ang paglaro ng chess. Dito lang siya siguradong magaling siya. Nang ilipat siya sa St. Louise de Marillac Academy o LdMA para sa high school, akala niya natukdukan na ito. Pero isang panibagong laro ang magsisimula nang makilala niya ang babaeng magpapaintindi sa kanya sa kahalagahan ng pamilya, pagkakaibigan, at pangarap.

Kinder pa lang, planado na ang buong buhay ni Esther Pamintuan. Para makapasok sa panagarap niyang university, mangunguna siya sa klase at magiging aktiba sa pahayagan ng LdMA. Ngunit nang hindi inaasahan, mapapasali siya sa laro ng chess at makikilala ang lalaki na magpapabago ng takbo ng mga plano niya.

Isang oras. Tigtatlumpung Player of the Year.

Sundan sina Dennis at Esther magbaliktanaw kung paano sila nagkatagpo, nagkalapit, at nagkaibigan.

             Book Links:                        Goodreads      ///    Anvil

ANG MAY-AKDA

18860534  Fe Esperanza Trampe 

Pindutin ang link para sa detalye

 

Hindi ko naman akalain na mapipili ako na magbasa ng librong ito. Lubos ang pasasalamat ko sa Bookworms Unite PH ang nagsagawa ng book tour na ito at si Inah ng The Bibliophile Confessions dahil siya ang nakapanayam ko. Maraming salamat sa pagkakataon na mabasa ko ang magandang likhang ito.

 

Ang Larong Nagwakas sa Atin na isinulat ni Fe Esperanza Trampe ay tungkol sa dalawang highschool students na sina Dennis Manansala at Esther Pamintuan. Pinakita sa librong ito ang mga pagsubok na kanilang hinarap sa apat na taong pag-aaral nila sa highschool. Naipakita rin sa librong ito ang dalawang mukha ng mundo kung saan ang estado ng buhay ay masasabing may malaking bahagi sa kahihinatnan ng ating buhay. Bukod pa rito, labis akong humanga sa may-akda sa paraan ng pagtalakay niya sa reyalidad ng buhay. Naipakita niya ito ng buong husay.

 

“Ang chess kasi parang buhay lang ‘yan.”

 

Nagustuhan ko ang paraan ng kanyang pagsulat kung saan napakasimple lamang pero iba ang dating. Kitang-kita ang pagkakaiba ng mga karakter kahit sa mga simpleng linya lang at napanatili niya ito hanggang huli. Ang mature rin ng mga karakter.

 

“Ang maganda kasi sa chess, iba ang bawat laro, at iba rin ang bawat manlalaro.”

Gustong-gusto ko si Dennis Manansala, ang isa sa pangunahing karater. Sa pagkakakilala ko kay Dennis, paglalaro ng chess ang buhay niya. Bata pa lang siya alam niya na kung ano ang hilig niya at gusto niyang gawin sa buhay. Siya yung taong masarap maging kaibigan kasi napakasimple at maalalahanin niya. Alam mong hindi ka niya papabayaan kahit anong mangyari. Siya rin yung kapag nanligaw sa iyo, tsak na sasagutin mo siya kaagad dahil sobrang tiyaga niya. Mahal na mahal din niya ang kanyang pamilya.

Samantalang si Esther Pamintuan, ang isa pang pangunahing karakter ay yung taong bata pa lang nakaplano na ang lahat sa kanyang buhay. Siya yung laging maaga sa klase at kahit hindi pa tinuturo ng guro ang lesson, alam niya na agad. Siya rin yung kahit kalian hindi nahuhuli sa lahat ng bagay dahil kailangan siya ang number one sa lahat. Hindi siya nagpapatalo. Pero, isa rin siyang mabuting kaibigan at mapagmahal na anak.

 

“Kailangan nang magtiwala ni Esther sa sarili niya. Wala na siyang ibang maasahan.”

 

Naalala ko noong highschool pa ako, ako pala ay napapalibutan ng mga kagaya ni Esther. Kagaya niya, nagsisikap ng mabuti para sa kanyang kinabukasan. Kagaya niya, na gagawin ang lahat kahit mawala ang mga pinakamamahal para lang makuha ang gusto niya. Hindi pala talaga maiiwasan na minsan sa buhay mo, makakakilala ka ng kagaya ni Esther.

“May nagsabi kay Dennis noon na kapag wala siyang magandang masasabi, huwag na siyang magsalita.”

Aaminin ko, hindi ko gusto ang karakter ni Esther. Pero isa siya sa bumuhay sa kwentong ito.

 

“Ganoon yata ‘yon kapag komportable ka na sa isang tao. Hindi na kailangan ng salita. “

Sa kabilang banda, ang daming nangyari sa librong ito na hindi ko naranasan noong highschool pa ako kagaya ng Prom, pagkakaroon ng highschool sweetheart, magkaraoon ng masaya at maasahang barkdada at siyempre sumali sa mga tournament. Ngayon mas lalo kong napagtanto na hindi pala talaga makulay ang highschool life ko.

 

“Wag kang matakot. ‘Yon ang sinasabi ni Dennis sa sarili niya tuwing may nakakaharap siyang bago, sa may nakakaharap siyang hindi niya alam. “Wag kang matakot, ulit pa niya.”

Ang sarap lang pala sa pakiramdam na kahit hindi ko naranasan ang mga bagay na iyon ay naramdaman ko naman na parang kasali rin ako. Na parang naexperience ko rin ang mga  kaganapan dahil sa libro.

Sa totoo lang, wala naman talaga akong ideya kung paano maglaro ng chess. Kahit kailan hindi ko natutunan maglaro nito. Pero pagkatapos kong magbasa parang gusto ko na pala itong matutunan. Hindi pala basta-basta ang paglalaro ng chess dahil ito ay dapat pinag-iisipan ng mabuti. Kaya sabi ko sa sarili ko, isang araw dapat matutunan kong maglaro ng chess.

Nagustuhan ko talaga ang librong ito dahil sa mga sumusunod:

  • Naipakita ang reyalidad ng buhay
  • Ang tunay na pagkakaibigan na handwng tumulong kahit saan at kahit kalian
  • Ang pagmamahal na walang pinipili at walang hinihinging kapalit
  • Unahin muna ang sarili at kinabukasan bago ang lahat.
  • Walang masamang magkamali basta dapat natuto ka at huwag nang gawin muli
  • Huwag makuntento sa mga bagay na alam mo na, dapat matuto ka pa lalo
  • At higit sa lahat, walang masamang mangarap

 

“Zigzwang. Kailangan mong gumalaw kahit ayaw mo. Kailangan mo magpatuloy.”

 

Dahil dito, mas gusto ko pang malaman ang susunod na mangyayari sa susunod na kabanata ng buhay nila Dennis at Esther. Maraming salamat ulit Bookworms Unite PH , si Inah ng The Bibliophile Confessions   , Fe Esperanza Trampe  at para sa pagkakataong ito.  Hanggang sa muli.

RATE: 4/5 ⭐⭐⭐⭐

 

Always, 20181206_155234_0001

 

Advertisements